Mahigit 20,000 katao dumagsa sa mga vaccination site sa Maynila; Bakunahan ngayong araw sa SM San Lazaro kinansela
Biglaan ang pagdagsa ng mga nais na magpabakuna ngayong araw sa mga vaccination site sa Maynila.
Dinagsa ang mga Mall sa lungsod kung saan isinasagawa ang pagbabakuna laban sa COVID-19.
Sa pagtaya ng Manila Police District, umabot sa hanggang 10,000 ang dumagsa sa SM San Lazaro; mahigit 5,000 sa SM Manila; mahigity 3,000 sa Lucky Chinatown; at mahigit 5,000 sa Robinsons Manila.
Hindi ito pangkaraniwan ayon sa Manila Public Information office dahil tuwing may bakunahan ay umaabot lang sa 1,000 hanggang 2,000 ang bilang ng mga nagtutungo sa apat na malls.
Maliban dito, nang kapanayamin ng mga tauhan ng MPD ang mga nagtungo sa Mall, marami sa kanila ay galing pa ng Cavite, Bulacan, Laguna at Rizal na lulan ng mga van.
Karamihan sa mga dumagsa sa mga vaccination site ay walang ideya sa QR Code na kailangan nilang ipakita bago mabakunahan para masigurong sila ay rehistrado.
Ayon sa Manila PIO, karamihan sa mga dumagsa sa vaccination site ay nangangambang hindi na sila mapayagang makalabas ng bahay kung hindi sila bakunado.
Dahil sa insidente, nagdesisyon ang management ng SM San Lazaro na kanselahin ang vaccination ngayong araw para na rin sa kaligtasan ng mga tao. (DDC)