PhilHealth kinalampag ni Sen. Grace Poe sa hindi pa rin nababayarang utang sa mga ospital
Muling kinalampag ni Senador Grace Poe ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) at ang Department of Budget and Management (DBM) na bilisan na ang pagpapalabas ng pondo para sa mga pagamutan at healthworkers sa gitna ng banta ng Delta variant.
Ipinaliwanag ni Poe na ang COVID-19 pandemic ay public health emergency at matindi ang sakripisyo ng mga healthcare workers at mga pagamutan.
Binigyang diin ni Poe na sa ganitong sitwasyon ay dapat ipakita ng mga ahensya ng gobyerno ang kanilang pagkalinga sa kanilang medical frontliners upang matiyak ang serbisyong medikal sa mga pasyente.
Sa gitna ng ECQ, iginiit pa ni Poe na napapanahon ang panawagan para sa agarang pagpapalabas ng pondo upang labanan ang pandemic.
Maraming medical workers mula sa private at public hospitals rin anya ang nagsabi na hindi nila maramdaman ang bilyong pisong alokasyon para sa kanila sa ilalim ng Bayanihan 1 at 2. (Dang Garcia)