Dalawa arestado sa Maynila sa pagbebenta ng vaccination slots
Arestado ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) – Special Action Unit (SAU) ang dalawang katao sa Tondo, Maynila dahil sa pagbebenta ng Covid-19 vaccination slots.
Ayon kay NBI Officer-in-Charge (OIC) Director Eric B. Distor, ang mga suspek ay kinilalang sina BENJIE LAGASCA MONTAOS at ARTURO FLORES MAGTALAS.
Unang nakatanggap ng ulat ang NBI sa pagbebenta ng isang alyas Benjie ng vaccination slots para sa mga empleyado ng POGO.
Nag-alok umano si Benjie na tutulungan ang mga empleyado para makapagpabakuna sa Maynila sa halagang P6,000 kada slot.
Nabatid na sampung POGO employees ang pumayag sa alok ni Benjie at pinag-register sila sa www.manilacovid19vaccine.ph
Nagkasa ng entrapment operations ang NBI sa General Vicente Lim Elementary School, Tondo, Manila dahil doon ang vaccination site na tinukoy ng suspek sa mga empleyado ng POGO.
Nang makipagkita ang suspek na si Benjie sa mga biktima ay doon na siya dinakip ng mga otoridad.