PNP iniutos ang masusing imbestigasyon sa pagpatay sa isang abogado at asawa nito sa Davao
Iniutos ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Lorenzo T Eleazar sa Police Regional Office XI ang malalimang imbestigasyon sa pagpatay sa isang abogado at kaniyang mister sa Davao City.
Ang abogadong si Hilda Mahinay-Sapie at asawa niyang si Muhaimen Mohammad Sapie ay pinaslang sa harapan ng kanilang bahay noong July 14.
Mayroon umanong programa sa radyo ang mag-asawa kung saan nagbibigay sila ng libreng payong legal.
Ani Eleazar inaalam na ngayon ng mga otoridad ang posibleng motibo sa krimen.
Kagagaling lamang ng mag-asawa sa kanilang programa sa radyo nang mangyari ang pananambang.
Ayon sa Davao City police, kasama sa anggulo na kanilang tinitingnan ay ang mga kaso na may kaugnayan sa usapin sa lupa na hawak ng abogadong biktima. (Dona Domiguez-Cargullo)