Action speaks louder than words; Mayor Sara Duterte nangangampanya na ayon kay Rep. France Castro
Naniniwala ang ACT Teachers Partylist na pangangampanya na ang rasok ng ginagawang pag-iikot ni Davao City Mayor Sara Duterte.
Ayon kay ACT Teacher Partylist Rep France Castro sa mga nakaraang araw ay patuloy na nakikipag-usap si Mayor Sara sa mga political leader na malinaw na bahagi na ng kanyang pangangampanya.
“Yung memorandum of agreement as sister City with Zamboaga City, bakit ngayon lang? Timing ba yan para kunin ang suporta ng Zamboaga sa kandidatura nya? Yung pustura ni Mayor Sara ay pangangampanya na” pahayag ni Castro.
Sinabi ni Castro na hindi rin kapani-paniwala ang pahayag nina Zamboaga City Mayor Beng Climaco at Cebu City Governor Gwen Garcia na hindi napag-uusapan ang pulitika sa naging pagbisita sa kanila ni Mayor Sara.
“Action speaks lourder than words,” patutsada pa ni Castro.
Sinabi ni Castro na may punto ang pasaring na ginawa ni Manila Mayor Isko Moreno kay Mayor Sara nang sabihin nitong dapat ay nasa lungsod nila ang mga alkalde para tugunan ang pagbolo ng COVID cases at hindi nag-iikot sa kung saang mga partido at pulitiko lalo at wala pang eleksyon.
“Tama si Mayor Isko na dapat pokus at harapin muna ni Mayor Sara ang problema sa pandemya sa Davao,” giit pa ni Castro.
Sa loob ng ilang araw ay naging abala si Mayor Sara sa pagbisita sa Cebu at Zambaoaga habang nakipagpulong din ito kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ng partidong Lakas–Christian Muslim Democrats (Lakas CMD).
Sa pinakahuling OCTA Research List na may petsang July 12 ay nangunguna pa rin ang Davao City sa mga Local Government Units sa labas ng National Capital Region na may pinakamataas na COVID cases, lumitaw na 235 kada araw ang naitatalang kaso sa Davao habang umabot na sa 91% ang hospital Intensive care unit utilization rate.
Kumpara sa Davao ay pababa na ang kaso sa ilang lalawigan, batay sa talaan ng Department of Health at OCTA Research ay nasa 110 ang kaso sa Iloilo, Bacolod(84), Cebu City (81), Cagayan de Oro (68), General Santos (67), Baguio City (58) Tagum (44), Lapu Lapu (39) at NCR (639).
Simula buwan ng Mayo lumobo ang COVID cases sa Davao at noong Hunyo 17 naitala ang pinakamalaking COVID infection na nasa 482 sa loob ng isang araw kung saan naungusan pa nito ang Quezon City na mas malaki ang populasyon.