Ika-128 na Malasakit Center binuksan sa Lianga, Surigao del Sur
Nagbukas na sa Lianga, Surigao del Sur ang ika-28 Malasakit Center.
Binati ni Senator Christopher “Bong” Go ang ga mamamayan ng Surigao del Sur sa pagkakaroon ng Malasakit Center sa Lianga District Hospital.
Ito ang ikaapat na Malasakit Center sa Caraga region, makaraang naunang mabuksan ang MC sa Siargao Island Medical Center, Caraga Regional Hospital sa Surigao City, Surigao del Norte, at Butuan Medical Center sa Butuan City, Agusan del Norte.
“Masaya ako na mayroon na tayong 128 na Malasakit Center na handang tumulong sa mga Pilipino. Kakabukas lang natin last week sa Siargao Island sa Surigao del Norte. So, natutuwa ako na nadagdagan ang locations sa Mindanao at patuloy ang pagbubukas natin sa buong bansa,” ayon kay Go.
Ang Malasakit Center ay layong makapagbigay ng medical assistance sa mga nangangailangang pasyente. Mayroong kinatawan ng Department of Health, Department of Social Welfare and Development, Philippine Health Insurance Corporation, at Philippine Charity Sweepstakes Office sa bawat MC.
Layunin nitong mapababa ang bill ng mga pasyente.
Ang pagtatayo ng MC ay salig sa Malasakit Centers Act of 2019 na isinulong ni Go.
“Para ito sa mga poor at indigent patients. Pakiusap sa mga hospital staff at social workers, tulungan ninyo ang mga kababayan nating mahihirap. Huwag niyo silang pababayaan. Bihira naman pupunta ang mga mayayaman sa mga pampublikong ospital. Ang pupunta dito ay ‘yung mga mahihirap na walang matakbuhan,” dagdag ni Go.
Kasabay nito hinikayat ni Go na siya ring chairman ng Senate Committee on Health ang mga public hospital na gamitin ang kanilang pondo ng tama para masiguro ang pagbibigay ng tulong sa mga pasyente.
“Kung kulang pa ang tulong ng mga ahensya, (may) pondo rin ang Office of the President dyan. Wala ng dahilan para hindi natin sila tulungan. Gamitin niyo ang pera ng gobyerno sa mga kapos palad natin na pasyente,” ayon sa senador.
Samantala, nagpasalamat si Go sa medical community sa kanilang pagtatrabaho at sakripisyo ngayong may COVID-19 pandemic.
Tiniyak ni Go na minamadali na ng gobyeron ang rollout ng COVID-19 vaccination program sa buong bansa.
Aniya sa pamamagitan ng bakuna ay mapoprotektahan ang bawat isa at mababawasan ang banta ng severe symptoms.
“Habang patuloy tayong nagbabakuna, ‘wag tayo maging kumpiyansa dahil delikado itong COVID-19. Target natin ma-achieve ang population protection this year at ang herd immunity by early next year para unti-unti na natin fully mabuksan ang ekonomiya. Iyan ang hiling namin palagi ni Pangulong Duterte,” sinabi pa ni Go.
Matapos ang launching ng Malasakit Center at namahagi si Go ng meals, food packs, vitamins, masks at face shields sa 96 na medical frontliners.
May mga frontliner din na nabigyan ng bagong pares ng sapatos bisikleta at computer tablets.
May mga kinatawan din mula sa DSWD na namahagi ng financial assistance sa 82 rank-and-file hospital employees at 35 indigent patients.
Ayon kay Evelyn Cocon, nakatulong sa kanila ang Malasakit Center sa pagpapagamot ng kaniyang anak na nagkasakit.
“Nagpapasalamat kami para sa Malasakit Center dahil nakahingi kami ng tulong sa mga ahensya para sa pampagamot ng aking anak. Walang trabaho ang aking asawa ngayon at walang-wala talaga kami. Maraming salamat kay Senator Bong Go at sa mga iba’t ibang ahensya ng gobyerno para sa programang ito,” ani Cocon.
Ang seremonya ay dinaluhan din nina Secretary Michael Dino ng Office of the Presidential Assistant for the Visayas, Presidential Communications Secretary Martin Andanar, Assistant Secretary Girlie Veloso ng Office of President, Governor Alexander Pimentel, Lianga Mayor Novelita Sarmen, Tandag City Mayor Roxanne Pimentel, at Chief of Hospital Dr. Josenita Quisil.