Dalawang barko nagbanggaan sa South Harbor; Coast Guard nakapagtala ng pagkalat ng Oil Sheen
Dalawang sasakyang pandagat ang nagkabanggaan sa katubigan na sakop ng South Harbor Anchorage ngayong Huwebes (July 8) ng madaling araw.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG) nangyari ang banggaan ng MV PALAWAN PEARL at BKM 104 alas 02:10 ng madaling araw.
Dahil sa banggaan lubumog ang kalahating parte ng MV PALAWAN PEARL at may naobserbahan nang pagkalat ng ‘oil sheen’ sa paligid nito.
Ayon kay 2/E Rexchel Fabrigas ng MV PALAWAN PEARL, humigit-kumulang 3,000 litro ng diesel oil ang laman ng oil storage tank ng naturang barko bago naganap ang insidente.
Mayroon din itong isang drum ng diesel oil, 60 litro ng engine oil, at limang litro ng bilge oil.
Para makontrol ang pagkalat ng langis, maglalatag na ng apat na segment ng oil spill boom ang PCG Marine Environmental Protection Command sa paligid ng barko.
Wala namang nasaktan sa mga tripulante ng dalawang sasakyang pandagat. (Dona Dominguez-Cargullo)