Suplay ng COVID-19 sa Maynila paubos na
Paubos na ang suplay ng COVID-19 vaccine sa lungsod ng Maynila ayon kay Manila Mayor Isko Moreno.
Kasunod ito ng pahayag ng National Task Force Against COVID-19 na made-delay ang pagdating sa bansa ngbakuna ng Sinovac at iba pang brand ng bakuna.
Ipinayo ng NTF sa mga lokal na pamahalaan na tutukan na lamang muna at ubisin ang bakuna para sa second dose.
Dahil dito ngayong araw ay wala munang first dose vaccination sa Maynila.
Ang mga isasagawang pagbabakuna ngayong araw ay para sa second dose.
Sa limang paaralan na ginagamit bilang vaccination sites sa Districts 1,2,4 at 6 mayroong mahigit 4,000 doses ng bakuna ang inilaan ngayong araw para sa second dose ng nasa A1 to A5 Priority Group na nabakunahan noong June 9.
Mayroon namang 4,400 doses sa 4 na mall sites para sa second dose ng A1 to A5 Priority Group na naturukan din ng Sinovac noong June 9.
At isasasagawa din ang second dose vaccination sa A5 Priority Group nabakunahan ng Pfizer noong June 16 sa Parola, Brgy. 105, Brgy. 101 at Brgy. 128 sa District 1, Baseco sa District 5 at Brgy. 900 sa District 6. (Dona Dominguez-Cargullo)