BI inalerto ang mga dayuhan sa mga kumpanyang nag-aalok ng pekeng immigration service
Inalerto ng Bureau of Immigration (BI) ang mga dayuhan sa mga kumpanyang nag-aalok ng pekeng immigration service.
Ayon sa BI may mga pinakakalat na dokumento mula sa isang Philippine-based company at naninigil ng karampatang bayad ang kumpanya.
Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, sa kopya ng dokumento na kanilang nakuha kasama sa lumitaw sa breakdown ng pinagbayaran ay ang bayarin para sa immigration airport assistance.
P5,000 umano ang siningil ng kumpanya sa Airport Assistance Fee, dagdag na P5,000 sa processing fee, at P20,000 para sa Department of Foreign Affairs (DFA) Invitation Letter.
Ani Morente, ginagamit ng naturang kumpanya ang mga ahensya ng gobyerno para makapaningil ng mataas sa kanilang kliyento.
Paliwanag ni Morente, hindi sila kumukulekta ng anumang ‘immigration assistance’ fee mula sa mga dayuhan.
“It is disheartening to see reports of syndicates who are taking advantage of other people by using the name of government offices,” ani Morente. (Dona Dominguez-Cargullo)