12-anyos na bata sugatan matapos makuryente sa inaayos na footbridge sa Caloocan
Isang 12 anyos na batang lalaki ang nasugatan makaraang makuryente sa ginagawang footbridge sa Sangangdaan, Caloocan City.
Kaagad nakaresponde ang rescue team ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan kasama ang mga pulis at BFP Caloocan at dinala ang biktima sa Caloocan City Medical Center, kung saan siya sinuri at binigyan ng first-aid, ayon kay CCMC Administrator Dr. Fernando Santos.
Nang mabalitaan ang nangyari, iniutos ni Caloocan City Mayor Oca Malapitan na imbestigahan ang insidente.
Sa report ni Department of Public Safety and Traffic Management South Caloocan Operations head Bernie Manlapig, napag-alaman na kasalukuyang ginagawa ang nasabing footbridge ng mga tauhan mula sa MMDA na siyang may proyekto ng footbridge.
Mayroon din mga harang sa bawat hagdan nito bilang paalala na bawal pa itong gamitin.
Ayon kay Manlapig, kumain lang saglit ng tanghalian ang mga tauhan ng MMDA at hindi nila namalayang nakaakyat ang bata sa footbridge kahit may harang.
Tiniyak naman ni Malapitan na tutulungan ang menor de edad na biktima na inilipat na sa Jose Reyes Medical Center.
Tutulungan din ang kaniyang pamilya hanggang sa ito ay gumaling. (D. Cargullo)