Pitong foreign vessels kabilang ang barko ng China na namataan sa Marie Louise Bank itinaboy ng Coast Guard
Pitong dayuhang barko kabilang ang pag-aari ng China at Vietnam ang itinaboy ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa karagatang sakop ng bansa.
Lulan ng BRP Cabra (MRRV-4409) ang mga tauhan ng PCG nang mamataan ang pitong foreign fishing bessels sa karagatan sa bahagi ng Marie Louise Bank na nasa 147 nautical miles ng El Nido, Palawan.
Ayon sa Coast Guard, na-monitor ang ang mga foreign vessel at gamit ang radar at automatic identification system (AIS) ay nakumpirma na lima dito ay Chinese ships at dalawa ang Vietnamese ships.
Gamit ang Long Range Acoustic Device (LRAD) nagsagawa ng radio challenge ang Coast Guard sa mga dayuhang barko.
Sa ilalim ito ng umiiral na PCG Manual on Rules on the Use of Force within the Philippines’ Exclusive Economic Zone (EEZ).
Namataan din ng BRP Cabra (MRRV-4409) ang 34 na mangingisdang Pinoy sakay ng FBB XIROXIRA mula sa San Jose, Occidental Mindoro.
Ayon sa mga mangingisda, normal naman silang nakapagsasagawa ng fishing operations sa Marie Loiuse Bank sa nakalipas na dalawang linggo. (Dona Dominguez-Cargullo)