WATCH: Pila sa mga kukuha ng 2nd tranche ng kanilang SAP sa Montalban; physical distancing hindi na nasunod
Humaba ang pila at hindi na nasunod ang physical distancing sa pamamahagi ng second tranche ng Social Amelioration Program (SAP) sa Montalban, Rizal.
Sa video na ibinahagi sa social media ng netizen na si Mark Anthony Paguia, kita ang napakahabang pila ng mga benepisyaryo.
Dahil sa tindi ng init ng panahon, uminit na rin ang ulo ng mga residente.
Ang iba, nagtalo na dahil sa may mga sumingit sa pila.
May mga senior citizen ding kasama sa mga pumila dahil walang hiwalay na linya para sa mga nakatatanda.
Paliwanag ng mga tauhan ng Montalban Security Division, ang social welfare ng Montalban ang nangangasiwa sa pamamahagi ng SAP at mayroong prosesong sinusunod para maibigay ang kanilang benepisyo.
Nakausap naman ng News Flash PH ang isa sa mga benepisyaryo na pumila para sa second tranche.
Aniya, noong Sabado, sinabihan silang hindi pwedeng magpasa ng photocopy lamang ng kanilang ID kaya pinabalik sila araw ng Lunes.
Noong Lunes ay bumalik sila para sa Social Amelioration Card form at para ibigay ang orihinal na kopya ng kanilang ID.
At sa pagbalik nila ngayong araw ng Martes (June 29) ay nauwi muli sa wala ang kanilang pagpila, at sinabihan silang bumalik ulit bukas.
Mayroon din namang mga pumila ngayong araw na nakakuha na ng kanilang benepisyo.