Quarantine protocols sa Batanes mas pinagaan na
Mas pinagaan na ang COVID-19 protocols na pinaiiral sa lalawigan Batanes.
Sa inilabas na abiso ng Batanes COVID-19 Task Group, epektibo ngayong Biyernes (June 25), wala nang restriction sa paggalaw o paglabas-labas ng mga residente.
Hindi na rin kailangan ang travel o border pass para sa inter-municipal travel.
Pinayagan na din ang full operation ng public transportation sa buong lalawigan.
Ang lahat ng business establishments ay pinapayagan nang mag-operate 24/7 kabilang ang dine-in restaurants sa kondisyong makasusunod sila sa minimum public health standards.
Kailangan namang kumukha ng permit sa Municipal Mayor kung magdaraos ng mass gatherings o aktibidad para sa mga kasal, fiesta, parada, binyag, birthday at iba pang selebrasyon.
Kailangan din ng permit para sa pagdaraos ng government activities gaya ng trainings, assemblies, seminar, at iba pa.
Pinapayagan na din ang regular mass services gaya ng misa pero kailangang pairalin ang one meter physical distancing. (Dona Dominguez-Cargullo)