Nakatakdang pagbubukas ng LRT-2 East Extension Project bukas (June 22) hindi matutuloy
Hindi muna matutuloy ang nakatakdang pagbubukas ng LRT-2 East Extension Project na itinakda araw ng Martes, June 22.
Sa halip ayon sa pahayag ng Light Rail Transit Authority (LRTA), sa July 5 na lamang isasagawa ang pagbubukas ng dalawang bagong istasyon na Marikina at Antipolo.
Sa pahayag, sinabi ni LRTA Administrator Reynaldo Berroya ang pagpapaliban sa pagbubukas ng 4-km LRT-2 East Extension Project ay upang bigyang-daan na makumpleto ng contractor ang signalling migration at integration works gayundin ang iba pang preparatory activities.
Mahalaga ang signalling system sa railway operations para matiyak ang ligtas at maayos na train and traffic movement, bilis nito, accurate platform position, safe distance sa pagitan ng mga tren, at automatic stop kung sakaling mayroong technical breakdown.
Napagypasyang iurong ang pagbubukas ng dalawang bagong istasyon matapos ang emergency meeting ni Berroya at ng Marubeni-DMCI Consortium ang Contractor ng Package 3 ng LRT-2.
“We cannot compromise and risk the safety of the passengers so we recommended the postponement of the operations to the Department of Transportation to which the DOTr concurred. The LRTA and DOTr agreed that the safety case shall be issued first before commencing operations. We at LRTA and DOTr are always committed to provide our passengers with a safe, reliable, and comfortable journey,” ayon kay Berroya.
Samantala, balik din muna sa full operations ang LRT-2 mula Santolan to Recto at vice versa sa June 23, matapos na magpatupad ng degraded operations simula noong June 12. (Dona Dominguez-Cargullo)