Mas pinaiksing oras ng curfew sa Metro Manila mahigpit na ipatutupad ng PNP
Magiging mahigpit ang Philippine National Police (PNP) sa pagpapatupad ng panibagong oras ng curfew sa Metro Manila.
Ayon kay PNP Chief, Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar, kahit mas maiksi na ang iiral na oras ng curfew, hindi nangangahulugang magiging relax na ang pulisya sa pagpapatupad nito.
Ang bagong oras ng curfew ay mas pinaiksi na mula alas 12 ng hatinggabi hanggang alas 4:00 ng madaling araw na lamang.
Ayon kay Eleazar ngayong mas maiksi na ang curfew ay mangangahulugang mas mahaba na ang oras sa labas ng mga tao na makatutulong din naman sa economic recovery.
Inatasan ni Eleazar ang National Capital Region Police Office na makipag-ugnayan sa mga opisyal ng barangay kaugnay sa pagpapatupad ng curfew.
Apela at paalala ni Eleazar sa publiko, sundin ang bagong curfew at huwag nang maglamyerda pagsapit ng hatinggabi. (Dona Dominguez-Cargullo)