Polio outbreak sa Pinas natapos na ayon sa WHO
Natuldukan na ang polio outbreak sa Pilipinas.
Ito ang inanunsyo ni World Health Organization PH Rep. Dr. Rabindra Abeyasinghe sa virtual press briefing ng Department of Health, WHO, UNICEF at iba pang partners araw ng Biyernes.
Aniya, aabot sa 30 million doses ng oral polio vaccines ang na-administer sa bansa, kung saan 11 million na mga bata ang nabakunahan sa 13 vaccination rounds.
Ayon kay Dr. Abiyasinghe, ito ang pinaka-malaking logistical effort para sa polio sa ating bansa.
Pinuri rin ng WHO ang polio vaccination sa Pilipinas, kahit pa naharap sa mga hamon na dala ng COVID-19 pandemic.
Ayon sa WHO, ang Pilipinas ay naging inspirasyon sa buong mundo pagdating sa mga hakbang at pagsusumikap laban sa polio.
Malugod ding binati ng UNICEF ang Pilipinas partikular ang DOH na nanguna sa pagtugon at pagtiyak na matatapos ang polio outbreak sa Pilipinas.
Malaki rin anila ang ambag ng health care at mga community worker, mga ahensya at mga partner na nagtulong-tulong para maprotektahan ang mga kabataan laban sa polio.
Matatandaan na ang polio outbreak sa Pilipinas ay naunang inanunsyo ng DOH noong September 2019, ayon sa WHO. (Ricky A. Brozas)