Tatlong aplikanteng pulis nagsumite ng pekeng resulta ng swab test, pinatawan ng diskwalipikasyon
Pinatawan na ng diskwalipikasyon ng Philippine National Police ang tatlong police applicants na natuklasang nagsumite ng pekeng RT PCR results sa PNP recruitment sa Police Regional Office- Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR).
Ayon kay PNP Chief, Police General Guillermo Lorenzo T, Eleazar disqualified na ang tatlo dahil sa “dishonesty” at inihahanda na rin ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa kanila dahil sa pagsusumite ng pekeng resulta ng swab test.
Natuklasan ang anomalya nang magtungo sa PRO-BAR si P.Col. Nora Camarao, pinuno ng PNP Recruitment and Selection Service Unit upang pangasiwaan ang nagpapatuloy na recruitment system.
Ani Eleazar umamin ang mga aplikante na hindi sila sumailalim sa swab test at nagsumite sila ng pekeng resulta.
Nagbayad umano sila ng P500 para sa pekeng RT-PCR result.
Mayroon namang mga aplikante na sumailalim talaga sa swab test pero hindi nila alam na ang RT-PCR results na kanilang isinumite ay peke.
Ayon kay Eleazar ang mga aplikanteng ito ay pinayuhang mulign sumailalim sa swab test.
Inatasan na ni Eleazar ang PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) na magsagawa ng operasyon laban sa mga nasa likod ng bentahan ng pekeng RT-PCR result sa Bangsamoro Autonomous Region.