Tatlong sangkot sa vaccination slot for sale sa Mandaluyong, sinampahan na ng reklamo ng PNP
Sinampahan na ng reklamo ng Philippine National Police (PNP) sa Mandaluyong City Prosecutor’s Office ang tatlong katao na sangkot sa bentahan ng bakuna at vaccination slots.
Ayon kay PNP Chief, Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar ang tatlong kinasuhan ay kinilalang sina Cyle Cedric Soriano Bonifacio, 22 anyos; Melvin Polo Gutierrez, 25; at Nina Ellaine Dizon-Cabrera.
Ang tatlo ay ipinagharap ng reklamong Estafa sa ilalim ng Article 315 ng Revised Penal Code; paglabag sa Section 21-H ng Republic Act 11032 o Anti-Red Tape Law of 2007 at Section 6 ng Republic Act 10175 ng Cybercrime Prevention Act of 2012.
Ani Eleazar, si Bonifacio ang nag-alok ng slot sa kaniyang dating kaklase at pinangalanan nito si Gutierrez na isang fire at barangay volunteer, na umano’y contact niya para makakuha ng vaccination slot sa Mandaluyong City.
Batay naman sa report ng Anti-Cybercrime Group, si Cabrera ay nag-alok ng 50 hanggang 100 vaccination slots sa lungsod.
Ani Eleazar, maaring mayroong iba pang mga sangkot sa vaccine/vaccination slots-for-sale scheme at ito ang kanilang patuloy na iimbestigahan.