BREAKING: Luzon grid, isasailalim sa red alert dahil sa kapos na reserba sa kuryente
Isasailalim sa yellow alert at red alert ang Luzon grid dahil sa kapos na reserba sa kuryente.
Sa inilabas na abiso ng Meralco, inilagay ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa yellow alert ang Luzon grid alas 10:01 ng umaga hanggang ala 1:00 ng hapon ngayong Lunes, May 31, 2021.
Red alert naman ang iiral mula ala 1:01 ng hapon hanggang alas 3:00 ng hapon.
At muling paiiralin ang yellow alert mula alas 3:01 ng hapon hanggang alas 4:00 ng hapon.
Ayon sa NGCP, mayroong Available Capacity ay 11,729MW at ang Peak Demand ay aabot sa 11,514MW.
Kung sakaling kapusin ng suplay, pinayuhan ng Meralco ang mga korporasyon at commercial establishments na kasapi sa kanilang Interruptible Load Program (ILP) na ihanda ang kanilang generator sets para makatulong na maiwasan ang pagkakaroon ng power outage.
Para sa mga nasa bahay naman, narito ang mga paraan upang maiwasan ang pagkakaroon ng brownouts;
1. Iwasan ang pagbukas-sara ng refrigerator kung hindi kinakailangan.
2. Palaging linisin ang mga electric fan blades at aircon vents.
3. I-unplug ang mga appliances on standby na hindi ginagamit.