Libu-libong ornamental plants nakumpiska ng BOC sa NAIA
Aabot sa 2,032 piraso ng mga ornamental plant ang nakumpiska ng Bureau of Customs (BOC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa kawalan ng Plant Quarantine Permit bago iangkat.
Ang naturang ornamental plants ay dumating sa bodega ng Paircargo na idineklarang 100 piraso lamang.
Gayunman, nang isalang sa physical examination ay natuklasang 2,032 na iba’t ibang uri ng ornamental plants ang mga ito kabilang ang Alocasia, Aglaonema, Pothos, Calathea, Philodendron, Crimson, Monstera, Cactus, Sanseveria at Rubber Plant.
Ayon kay Port of NAIA District Collector Mimel Talusan, hindi pinayagang makapasok sa bansa ang mga nasabing halaman upang maprotektahan ang lokal na industriya sa posibleng sakit na dala nito na maaaring maging sanhi ng agricultural epidemic.
Ang mga nasamsam na halaman ay inilipat na sa pangangalaga ng Bureau of Plant Industry para sa quarantine at agarang pagtatapon upang makaiwas sa mga peste at sakit na dala nito.