Mahigit 300 katao na nasunugan sa Pasig, sa evacuation center nagpalipas ng magdamag
Aabot sa halos 89 pamilya o 363 na katao ang kasalukuyang nasa evacuation center sa San Miguel Elementary School, sa Pasig City.
Sila ay pawang nasunugan mula sa isang residential area sa Tuazon Compound, Brgy. San Miguel.
Nagsimula ang sunog Huwebes (May 19) alas 7:00 ng gabi at naideklarang fire out ng Bureau of Fire Protection (BFP) 11:15 ng gabi.
Nagpasalamat naman si Pasig City Mayor Vico Sotto sa BFP, DRRMO at mga volunteer fire fighters sa mabilis na pagresponde sa sunog.
Ayon kay Sotto, agad namang nakapagset-up ng evacuation area sa San Miguel Elementary School sa pangunguna ng PSWD at mga staff ng Mayor’s Office.
Namahagi rin ng alcohol, face masks, at disaster kits.
Agad ding nakapaghanda ang Community Kitchen ng hot meals para sa evacuees. (Dona Dominguez-Cargullo)