MHO chief ng Montalban nagbitiw na lang matapos alisin sa kaniyang pwesto
Nagpasya ang Municipal Health Office chief ng Montalban, Rizal na magbitiw na lang sa pwesto.
Ito ay makaraang alisin siya bilang MHO chief at ilipat bilang tagapangasiwa ng COVID-19 COVID Quarantine PUI facility sa bayan.
Sa kaniyang pahayag, nagpasalamat si Javier sa mga residente ng Montalban sa tiwala na ibinigay sa kaniya bilang Municipal Health Officer.
Sa ilalim ng pamumuno ni Javier, naging regular ang schedule ng libreng check-up sa Rural health Center ng Montalban.
Nagbibigay din ng libreng gamot at nagkaroon ng mga laboratoryo na libre din para sa mga residente.
Ang Dialysis Center naman ay inaasikaso na lang ang accreditation at maari na ring magamit sa lalong madaling panahon.
“Sadyang hindi na ho kinaya ng prinsipyo ko na malaman at makita ko na ganito ang pwede nlang gawin sa mga Taga-Montalban sa gitna ng pandemya,” ayon kay Javier.
Ayon kay Javier siya ay babalik na lamang sa kaniyang private practice bilang pediatrician.
Noong mga nagdaang buwan, lumantad na ang mga balita na si Javier ay aalisin bilang MHO chief at gagawing tagapamahala sa COVID Center Infirmary sa Brgy. San Jose.
Subalit hindi ito itinuloy.
Ngayong Martes (May 18) nang pormal na ilabas ang kautusan na inililipat naman si Javier sa Quarantine PUI facility sa PRRC Building ng Colegio de Montalban.