MRT-3 nagsimula nang magtalaga ng dagdag na gwardya sa Magallanes at Taft Station
Nagsimula na ang guards augmentation at deployment ng patrol car ng security provider ng MRT-3 sa mga istasyon ng Magallanes at Taft.
Ito ay bilang bahagi ng pagpapaigting ng seguridad sa linya.
Apat na foot patrol guards mula sa Kaizen Security Agency Corp ang naglilibot sa nasabing mga istasyon sa dalawang shifts: mula alas 6 ng gabi hanggang alas 11 ng gabi (unang shift), at alas 11 ng gabi hanggang sa muling pagbubukas ng operasyon ng MRT-3 kinabukasan (ikalawang shift).
Samantala, may idineploy rin na patrol car para sa karagdagang seguridad sa area.
Isinasaayos na rin ang perimeter fence sa kahabaan ng linya, ng maintenance provider naman ng MRT-3 na Sumitomo-MHI-TESP.
Ang mga hakbang na ito ay kabilang sa mga immediate actions ng security at maintenance providers ng MRT-3 matapos ang insidente ng bandalismo sa isa sa mga tren ng linya noong ika-12 ng Mayo 2021.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pamunuan ng MRT-3 hinggil sa nasabing insidente.