ASG member na nagtago ng mahigit 20 taon arestado ng NBI sa Taguig
Naaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation Counter-Terrorism Division (NBI-ang isang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa Maharlika Village, Taguig City.
Kinilala ni NBI Officer-In-Charge (OIC)-Director Eric B. Distor ang suspek na si Wahab Jamal Sabirani alyas Ustadz Usman Halipa.
Dinakip ang suspek sa bisa ng Warrant of Arrest na inisyu ng Regional Trial Court sa Basilan para sa kasong Kidnapping and Serious Illegal Detention.
Noong nakaraang buwan ng Abril ay nakatanggap ng impormasyon ang NBI na namataan ang ASG member sa Maharlika Village.
Matapos makapagsagawa ng validation, natuklasan ng NBI na ang ASG member na nasa Maharlika Village ay sangkot sa Golden Harvest Plantation Kidnapping noong 2001 sa Lantawan, Basilan.
Nagsagawa muna ng serye ng casing at surveillance ang NBI katuwang ang AFP at PNP bago magtungo sa sa lugar na kinaroroonan ni Halipa.
Simula noong taong 2018, umabot na sa 27 miyembro ng Abu Sayyaf ang naaresto ng NBI.