Lalaking bumaba sa riles ng MRT-3 at kasama niyang nag-selfie, kinasuhan na
Nagsampa ng kaso ang pamunuan ng MRT-3 laban sa lalaking bumaba sa riles ng tren at isa pa niyang kasama.
Alas 7:15 ng gabi noong Linggo, Mayo 9, 2021 nang mamataan ng mga guwardiya ng MRT-3 ang dalawang lalaki sa Quezon Avenue station (Northbound) sa aktong paglabag sa patakaran ng MRT-3.
Huli din sa CCTV camera si Jerald Oliva, 22 anyos at isang construction worker, na bumaba sa riles habang kumuha naman ng “selfie” si Rey Llasos, 28, tricycle driver na kaniyang kasama.
Agad na rumesponde ang mga security guard ng MRT-3 sa insidente.
Mahigpit na ipinagbabawal ang pagbaba sa riles ng MRT-3 sa mga hindi otorisadong indibidwal dahil delikado ito at maaaring ikapahamak hindi lang ng susuway sa patakaran ngunit gayundin ng iba pang pasahero ng linya.
Dahil dito, nagsampa ng kasong paglabag sa Revised Penal Code Art 155 o Alarms and Scandals ang pamunuan ng MRT-3 sa dalawang lalaki.
Dinala sila sa Quezon City Police District – Kamuning Police Station (PS-10) para sa inquest procedure.
Pinuntahan naman ni MRT-3 OIC-General Manager Asec. Eymard D. Eje ang dalawang lalaki upang pangaralan sa mga patakaran ng linya ng tren.
Aniya, sana ay magsilbing leksiyon ito sa iba pang pasahero na huwag gawing biro ang mga patakarang ipinatutupad ng MRT-3.