Cagayan Gov. Manuel Mamba inirekomenda ang pag-suspinde sa 2022 national at local elections
Nanawagan si Cagayan Governor Manuel Mamba na ipagpaliban muna ang pagdaraos ng 2022 National at Local Elections hanggat hindi nababakunahan kontra Covid-19 virus ang mayorya sa populasyon ng Pilipinas.
Ito ang pahayag ni Gov. Mamba sa kaniyang talumpati sa Flagraising Ceremony sa Kapitolyo.
Ayon kay Mamba, napakalaki pa ng problema at banta sa nararanasang pandemya kaya hindi dapat mapupulitika ang pagharap sa laban kontra Covid-19.
Ang mahalaga muna sa ngayon ani Mamba ay hindi dapat hati-hati ang taumbayan lalo at ang eleksyon ay hinahati nito ang mga mamamayan.
Bukod dito malalagay aniya sa peligro ang mga mamamayan sa patuloy na banta ng Covid-19 lalo sa takbo ng proseso ng halalan sa bansa na hindi maiiwasan ang mga pagba-bahay-bahay, political rallies o anuman paraan ng pangangampanya.
Nangangamba ang Gov. Mamba na maaaring matulad ang Pilipinas sa nangyayari sa Amerika at India na lumobo at lumobo ang mga nahawa at nasawi sa virus dahil na pulitika ang pagharap sa laban sa Covid-19.