Lima arestado sa operasyon ng abortion clinic sa Cebu City
Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang limang katao na sangkot sa operasyon ng abortion clinic sa Cebu City.
Kinilala ni NBI OIC – Director Eric B. Distor ang mga naaresto na sina Joey Paulino Guirigay, Francisca Abatayo Rebamonte, Gloria Dalogdog Gabutin, Meryteissie Pode Rural, at Amparo Lumagbas Gemarangan.
Ikinasa ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon ang NBI sa ilegal na aktibidad na kinasasangkutan ni Guirigay.
Batay sa reklamong nakuha ng NBI, si Guirigay ay nag-aalok ng serbisyo para sa aborsyon sa online gamit ang Facebook account na may pangalang ‘Michelle Mayer’ kapalit ang P9,500 hanggang P30,000 na bayad.
Nagawa ng mga tauhan ng NBI-Central Eastern Visayas Regional Office (NBI-CEVRO) na makipag-ugnayan kay Guirigay sa pamamagitan ng kaniyang cellphone number.
Isa ang nagpanggap na kliyente at nag-alok si Guirigay ng dalawang opsyon una ay ang Suction Abortion na P30,000 ang halaga at ikalawa ay gagamitan siya ng abortive pills na P9,500 per kit ang halaga.
Nagkasundo si Guirigay at poseur-client na magkita noong April 29, 2021 sa Chong Hospital Fuente Osmeña at doon na naaresto ang mga suspek.
Naisailalim na sa Inquest proceedings ang mga suspek sa Talisay City Prosecutor’s Office sa reklamong Intentional Abortion sa ilalim ng Article 256 in relation to Article 8 (Conspiracy) ng revised Penal Code.