Paggamit ng AstraZeneca COVID-19 vaccines pinayagan na muli ng DOH; dagdag na guidelines ipatutupad
Muli nang pinayagan ng Department of Health (DOH) ang paggamit ng AstraZeneca COVID-19 vaccines.
Ayon sa DOH, maari na muling mag-resume ang pagtuturok ng Oxford AstraZeneca vaccine sa lahat ng eligible population matapos ang rekomendasyon ng Food and Drug Administration (FDA) at DOH All Experts Group on Vaccines.
Magugunitang sinuspinde ng DOH at FDA ang paggamit ng AstraZeneca para sa mga edad na mas mababa sa 60 dahil sa ilang insidente ng Vaccine-Induced Thrombosis and Thrombocytopenia (VITT) sa ibang bansa.
Ayon sa DOH, batay sa mga kasalukuyang ebidensya ang VITT “very rare” na kondisyon ng blood clots na maaring maranasan 4 hanggang 28 araw matapos ang pagbakuna.
Sinabi ng DOH na matapos ang pag-aaral ng DOH All Experts Group at ng Philippine College of Hematology and Transfusion Medicine (PCHTM), mas mabigat pa din ang makukuhang benepisyo sa pagpapabakuna kaysa sa banta nito.
Wala pa ring naitatalang VITT events sa bansa simula nang gamitin ang AstraZeneca vaccine.
Nakatakdang dumating sa bansa ang dalawang milyong doses ng AstraZeneca vaccine ngayong buwan.
Sa inilabas na updated guidelines lahat ng vaccination sites ay dapat palakasin ang kanilang post-vaccination surveillance para malaman ang posibleng Adverse Effect.
Lahat ng healthcare workers (HCWs) sa vaccination sites ay isasailalim sa training sa pag-detect at pag-manage ng posibleng sintomas ng VITT.