WATCH: Pitong Chinese maritime militia vessels sa Sabina Shoal sa West PH Sea napaalis ng Coast Guard at BFAR
Niradyuhan ng BRP Cabra (MRRV-4409) Philippine Coast Guard (PCG) ang mga barko ng China na nakitang naka-angkla sa Sabina Shoal.
Ayon sa PCG, naganap ang radio communication sa kasagsagan ng joint maritime exercise ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Sabina Shoal noong April 27, 2021.
Ang Sabina Shoal ay matatagpuan sa humigit-kumulang 73 milya mula sa Mapankal Point, Rizal, Palawan.
Namataan ng BRP Cabra ng PCG at ng MCS-3002, at MCS-3004 ng BFAR ang pitong ‘unidentified foreign vessel’ na naka-angkla sa karagatan at kalaunan ay napag-alaman na ang mga ito ay China Maritime Militia Vessel (CMMV).
Doon na nagpasya ang PCG at BFAR na makipag-komunikasyon sa mga barko para ipahayag na ang Sabina Shoal ay bahagi ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.
Tatlong beses na niradyuhan ang mga barko ng China subalit hindi tumugon ang mga ito.
Doon na nilapitan ng BRP Cabra ang mga barko ng China na agad nag-angat ng kanilang angkla at nagpa-andar ng makina.
Sinundan ng PCG at BFAR ang paglalayag ng mga barko para masigurong tuluyang aalis ang mga CMMV sa Sabina Shoal.