240 Chinese vessels nananatili sa West PH Sea ayon sa National Task Force for the West Philippine Sea
Kinondena ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) ang patuloy n apananatili ng Chinese Coast Guard (CCG) at Maritime Militia sa West Philippine Sea.
Sa huling sovereignty patrols na isinagawa ng pamahalaan noong April 11 mayroong 240 Chinese vessels sa WPS.
Ayon sa ulat ng AFP Western Command ang presensya ng Chinese Maritime Militia (CMM) vessels ay nananatili sa territorial waters ng Kalayaan, Palawan at sa iba pang bahagi ng Philippine Exclusive Economic Zone (EEZ).
Ayon sa NTF, mayroong 136 CMMs sa Burgos (Gaven) Reef, 9 sa Julian Felipe (Whitsun) Reef, 65 sa Chigua (McKennan) Reef, 6 sa Panganiban (Mischief) Reef, 3 sa Zamora (Subi) Reef, 4 sa Pag-asa (Thitu) Islands, 1 sa Likas (West York) Island, 5 sa Kota (Loaita) Island, at 11 sa Ayungin (Second Thomas) Shoal.
Ayon sa NTF, ang bawat barko ng China ay kayang makakuha ng isang toneladang isda at nangangahulugan ito ng 240,000 kilos ng isda na ilegal na kinukuha sa Philippine waters kada araw.
Sa isinagawa namang pagpa-patrol ng Philippine Coast Guard, ang mga Chinese poacher ay nakita ring kumukuha ng giant clams sa Pag-asa Islands.
Malinaw itong paglabag sa Philippine fisheries and wildlife laws, at sa Convention on International Trade of Endangered Species of Wild Fauna and Flora (CITES).
Ayon sa NTF ang patuloy na pagdagsa ng Chinese vessels sa teritoryo ng Pilipinas ay matinding banta sa safety of navigation, safety of life at hinahadlangan ang exclusive right ng mga Filipino na pakinabangan ang marine wealth sa EEZ.