Umano’y positive COVID-19 result ng pambato ng Pilipinas sa Miss Eco International na si Kelley Day, ibinandera sa Instagram ng pambato ng Peru
Naglabas ng pahayag ang Miss World Philippines kasunod ng mga balitang stranded sa Egypt ang ilang constestant at pageant officials ng katatapos lamang na Miss Eco International.
Ayon sa pahayag ni Miss World National Director Arnold Vegafria, nakikipag-ugnayan na ito ngayon sa Miss Eco International Organization.
Tinitiyak din nito ang kalusugan at kaligtasan ng lahat ng kandidata ng katatapos lamang na pageant.
Ayon pa kay Vegafria, pangunahing prayoridad ngayon ay ang official candidate ng Pilipinas sa pageant na si Kelley Day.
Hinihintay pa din umano ang resulta ng routinary medical testing na isinagawa ng organizers sa mga kalahok.
Bago ang naturang pahayag ng Miss World ay kumalat sa social media ang post sa Instagram Story ng pambato ng Peru na si Jessica Newton.
Sa nasabing post nakasaad na stranded ngayon sa Egypt ang ilang kandidata dahil may mga nagpositibo sa COVID-19.
Ibinahagi pa sa IG ni Newton ang larawan ng resulta umano ng COVID-19 test ng pambato ng Pilipinas na si Kelley Day kung saan nakasaad na positibo ito sa COVID-19.
Wala pa namang opisyal na pahayag ang Miss World Philippines tungkol dito.