Pamilya na biktima ng serye ng pamamaslang sa Calbayog City handang magbigay ng P1M na reward
Isang pamilya na biktima ng serye ng mga pamamaslang sa Calbayog City, Samar na umabot na sa Maynila ang handang magbigay ng Reward na 1-Milyong Piso para sa makakapagturo sa mga gunman, handlers, at mga nagbabayad sa mga ito.
Ayon kay Ova Rumohr, kaanak ng mga biktima ng serye ng ambush, nakahanda itong magbigay ng pabuya sa sinumang makapagbibigay ng verified information sa mga taong may kinalaman sa serye ng pamamaslang.
Family feud’ ang itinurong ugat ng mga krimeng ito na tila gustong ubusin ang isang bahagi ng kanilang pamilya dahil sa away sa lupa at negosyo ng pamilya Rumohr ng Calbayog City, Samar.
Ayon sa abugado nila na si Atty. Levi Baligod, sa serye ng mga ambush na ito, “maliwanag ang motibo na gustong ubusin ang kanilang pamilya.. Wala naman silang nakakaalitan liban lamang sa mga kamaganak nila ng dahil lamang sa awayan sa lupain at negosyo.”
Ito ay kinumpirma naman kapatid ng biktima na si Ovarah at tahasang itinuro nito ang hindi pinangalanang mga kamag-anak na siyang nasa likod ng tangkang pagpatay sa kapatid nitong si Ignacio at Henry Rumohr at sa sunod-sunod na pamamaslang sa ilang miyembro ng kanyang pamilya.
“Sa aming mga kamag-anak na nasa likod nito, alam nyo kung sino kayo! Nasa Calbayog man kayo o wala, nasa labas man kayo ng bansa, mahahagip kayo ng hustisya at sisikapin namin na mabubulok kayo sa bilangguan. Hindi namin kaya ang mga masamang gawain ninyo, pero lalabanan namin kayo sa pamamagitan ng batas at hustisya!” nagpupuyos sa galit na turan ni Ovarah.
Bukod sa isang milyong pabuya sa sinumang makakapagturo sa mga salarin. Nakahanda rin umano silang magbigay ng malaking pabuya sa mga salarin kung sila ay boluntaryong sumuko sa kapulisan at ituro ang nasa likod ng tangkang pamamaslang.
“Sa mga nagpapagamit na gun for hire at mga handler nito… kami po ay nananawagan sa inyo… matuntunton kayo ng batas kung sino kayo dahil may mga cctv na mapagkukunan nito sa malapit na hinaharap… sa halip na kayo ang magdusa nais naming i-abot sa inyo ang aming kamay na may pagsusumamo ng awa. Alam namin na ang kahirapan ang nagtulak sa inyo para pasukin ang ganitong gawain,” panawagan ni Ovarah.