Mayor Alfred Romualdez itinangging inunahan pa niya ang mga medical frontliner sa pagbabakuna kontra COVID-19
Kinumpirma ng Tacloban City Public Information Office na nabakunahan na kontra COVID-19 si Mayor Alfred Romualdez.
Ayon sa pahayag, ginawa ang pagbabakuna sa alkalde nang may pagtitiyak na nasusunod ang protocols ng Department of Health (DOH).
Sinabi sa pahayag na bagaman nauunawaan ng alkalde ang sentimyento ng publiko ay hindi umano totoong nilaktawan nito ang mga nakapila para sa pagbabakuna.
Boluntaryo umanong nagpabakuna ang alkalde para mapawi ang pangamba ng publiko kabilang na ang mga nangangambang frontliners sa pagpapabakuna. .
Ayon sa pahayag, noong nagpabakuna si Romualdez ay maraming health workers ang nag-aatubili na na magpabakuna ng Sinovac vaccine at nagpasyang hintayin ang pagdating ng Western made brands.
Tungkulin umano ni Romualdez bilang local chief executive na ipakita sa kaniyang constituents na epektibo ang mga programa ng gobyerno.
Ang pagpapabakuna nito gamit ang Sinovac vaccine ay layong himukin ang publiko na huwag mangamba sa pagpapaturok ng Sinovac.
“Moreover, he did not bump off anyone in the order of priority to cause disadvantage to healthworkers since there was a resistance to inoculation with Sinovac and thusly, he was qualified to be vaccinated as an LGU official,” ayon sa pahayag ng Tacloban City PIO.