Indonesian na dinukot ng Abu Sayyaf nailigtas sa Tawi-Tawi
Nailigtas ng pinagsanib na pwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang isang Indonesian na dinukot ng Abu Sayyaf.
Ayon kay Lt. Gen. Corleto Vinluan, Jr. ng AFP Western Mindanao Command, ang 15 anyos na biktima na si Mohd Khairuldin, ay nailigtas sa Kalupag Island, Languyan, Tawi-Tawi alas 6:30 ng umaga ng Linggo, March 21.
Si Khairuldin ay kabilang sa limang Indonesian crew members na dinukot sa karagatang sakop ng Tambisan, Malaysia noong January 17, 2020.
Ang iba pang kasama ni Khairuldin ay nauna nang nailigtas mula sa mga bandidong Abu Sayyaf.
Ibinalita din ni Vinluan ang pagkasawi ng notoryus na si “Apo Mike” at dalawa sa kaniyang kasama.
Ayon kay Col. Venjie Pendon, Commanding Officer ng Marine Battalion Landing Team-6, nagtamo ng matinding sugat sa katawan si Apo Mike matapos ang engkwentro sa mga otoridad.
Si Khairuld ay dinala sa Zamboanga City upang makasama ang kaniyang mga kapwa Indonesian na naunang nailigtas.