Medical science at health research sa bansa kailangang palakasin upang magkaroon ng kakayahang makabuo ng bakuna
Kinakailangang palakasin ang kakayahan ng health research sa bansa para makabuo ng sariling bakuna lalo ngayong mayroong pandemya ng COVID-19.
Pahayag ito ni Senator Christopher “Bong” Go bunsod ng nararanasang problema ng bansa dahil sa nasabing sakit.
Ayon sa senador dapat paigtingin at paghusayin pa ang medical science at health research capabilities sa bansa para sa susunod ay handing-handa na tayo sa health crises at kakayanin nang makabuo ng sariling bakuna.
“Novel coronavirus, bago, ‘di natin alam kung meron pang darating na ganitong klaseng mga sakit na galing po sa wildlife. Dapat handa tayo,” ayon sa pahayag ni Go nang siya ay personal na nag-abot ng tulong sa mga nabiktima ng sunog sa Malate, Maynila.
Ayon sa senador, kung kaya na ng Pilipinas na makabuo ng sariling bakuna ay hindi na natin kailangang magmakaawa sa ibang mga bansa.
Sa kaniyang State of the Nation Address noong Hulyo ng nakaraang taon, hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso na magpasa ng batas na lilikha ng sariling center para sa disease control and prevention.
Sa Kamara, aprubado na sa committee level ang House Bill No. 6096 na magtatatag ng nasabing ahensya.
Nauna nang inihayag ni Go ang pangangailangan na mapondohan ng sapat ang Research Institute for Tropical Medicine dahil sa crucial role nito sa pagtugon sa pandemya.
“Hindi natin akalain na ang RITM ay ang isa sa pinaka-importanteng opisina dito sa pandemyang ito… I pushed for the increase of RITM’s proposed 2020 budget. We made the right decision, and with the support of my colleagues, we increased the budget of RITM to PhP223.8 million. For 2021, we further increased the budget of RITM to PhP393.8 million,” ayon kay Go.
Ani Go, kung hindi naitaas ang budget ng RITM ay mas lalong magkakaroon ng pagkabigla ngayong nagkaroon ng pandemya.