NBI iimbestigahan ang ambush sa mayor ng Calbayog City
Inatasan ni Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra ang National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang kaso ng pagpatay kay Calbayog City Mayor Ronaldo Aquino.
Ayon kay Guevarra, iimbestigahan ng NBI ang insidente dahil nasasangkot dito ang PNP.
Kasunod aniya ito ng mga balita na mga pulis ang mga nagpaputok sa sinasakyang van ng mayor.
Ayon kay Guevarra, nakatatanggap siya ng magkaibang bersyon sa nangyari kaya marapat na mag-imbestiga na ang NBI para sa “objective a impartial investigation”.
Si Aquino nasa biyahe kasama ang kaniyang bodyguards nang sila ay pagbabarilin.
Sa paunang police report, nakasaad na tinambangan ang sasakyan ng alkalde.
Subalit sa revised police report kinabuksan, sinabing unang nagpaputok ang isa sa mga security personnel ni Aquino sa pag-aakalang binubuntutan sila ng isang sasakyan.
Lulan ng nasabing sasakyan ang mga tauhan ng PNP IMEG (integrity monitoring and enforcement group) at DEU (drug enforcement unit).