WATCH: KMU nagsagawa ng protesta sa BI; pagkansela sa permanent resident visa ng isang Dutch lay missionary kinondena
Nagsagawa ng protesta sa tanggapan ng Bureau of Immigration sa Intramuros, Maynila ang grupo ng mga manggagawa sa pangunguna ng Kilusang Mayo uno.
Ito ay para kondenahin ang pagkansela sa visa ng Dutch lay missionary na si Otto de Vries at public red-tagging sa research group na Ecumenical Institute for Labor Education and Research.
Ayon kay KMY Secretary General Jerome Adonis, malaki ang pananagutan ng BI sa kaso ng dayuhan at ang inilabas nitong desisyon sa kaso ay base lamang sa mga sabi-sabi.
Noong buwan ng Pebrero, sinabi ng BI na sangkot sa terroristic activities si De Vries base sa ulat ng NICA.
Kinansela ng BI ang kaniyang permanent residente visa, isinailalim siya sa blacklist bilang undesirable alien at inatasang agad umalis ng bansa.
Sinabi ng KMU na walang ginawang krimen ang dayuhan habang nasa bansa at sa halip ay nananaliksik lamang ito tungkol sa kalagayan ng mga manggagawa sa Pilipinas.
Apela ng KMU sa BI, baligtarin ang naunang desisyon at ibalik ang visa ng dayuhan.