Mahigit 7,000 hindi otorisadong COVID-19 test kits nakumpiska ng PNP sa Navotas
Arestado ang isang Chinese national at kasabwat niyang Pinoy matapos mahulihan ng mga hindi rehistradong COVID-19 Test Kits sa ikinasang entrapment operation ng mga otoridad.
Ayon kah PNP Chief, Police General Debold M. Sinas ikinasa ang operasyon ng mga tauhan ng Quezon City District Field Unit ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Philippine Air Force intelligence at Navotas Police Station.
Naaresto ang suspek na si Liset Lo Law, 40 anyos at Christian Cruz, 23 anyos sa Brgy. San Rafael Village, Navotas City.
Una nang inireklamo ng Food and Drug Administration (FDA) ang ilegal na pagbebenta online ng unregistered na COVID-19 Rapid test Kit na pawang walang valid permits o lisensya mula sa FDA.
Nakumpiska sa dalawang suspek ang 154 na kahon na naglalaman ng 50 piraso ng CLUNGENE Rapid Test Kit kada kahon.
Tinatayang aabot sa P1,016,000 aang halaga nito.
Ang dalawang suspek ayon kay Sinas ay kasapi ng “Christian CG” criminal group na sangkot sa online selling.
Nahaharap sila sa kasong paglabag sa Republic Act 9711 o Food and Drug Administration Act of 2009 in relation to FDA Circular No. 2020-016.