Caloocan City Mayor Oscar Malapitan nagsampa ng cyber-libel laban sa limang konsehal ng lungsod

Caloocan City Mayor Oscar Malapitan nagsampa ng cyber-libel laban sa limang konsehal ng lungsod

Inireklamo ng cyber-libel ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan ang limang miyembro ng Caloocan City Council matapos paulit-ulit umano na malisyosong kutyain ng mga ito ang proyekto ng pamahalaang lungsod tungkol sa digital tablet para sa mga pampublikong mag-aaral ng Grade 9-12.

Isinampa ni Malapitan ang ang reklamo sa Caloocan City Prosecutor’s Office laban sa mga konsehal na sina Rose Mercado, Carding Bagus, Alex Mangasar, Alou Nubla at PJ Malonzo.

Sinabi ni Malapitan na ang paninira ay ipinakalat ng mga konsehal sa social media.

“Kung ako lamang ang sinisiraan ng aking mga kalaban sa pulitika ay maliit na bagay iyan. Sanay na tayo sa mapanirang puring mga kalaban sa pulitika. Ngunit, ang malisyosong sirain ang isang makabuluhang proyekto ng syudad para makatulong sa edukasyon at pag aaral ng mga batang taga Caloocan sa panahon ng pandemya ay hinding hindi ko papayagan,” pahayag ng alkalde.

Sinabi ni Malapitan na sumailalim sa tamang bidding ang ginawang pagbili at pamamahagi ng mga tablet sa mga estudyante.

Kampante ang alkalde na madali niyang mapapatunayan sa korte na maayos at malinaw ang naging proseso sa pagkuha ng tablets, kontra sa alegasyon ng mga konsehal.

Nag-ugat ang isyu matapos maglabas ng video sa social media ang limang konsehal, kung saan pinalalabas nila na mas mababang klase ang binili ng Pamahalaang Lungsod na 4G at LTE capable tablets kumpara sa isang model na 3G capable digital tablet lang, na ayon sa kanila ay siyang dapat binili para sa mga mag-aaral ng lungsod.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *