Kalakalan ng ilegal na droga gamit ang mga lehitimong parcel sa Metro Manila hindi makaliligtas sa NCRPO

Kalakalan ng ilegal na droga gamit ang mga lehitimong parcel sa Metro Manila hindi makaliligtas sa NCRPO

Pinalalakas ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang mga hakbang nito upang tukuyin at pigilan ang mga sindikato ng ilegal na droga na nagkukubli sa mga karaniwang parcel o padala.

Iniutos ni NCRPO Officer-in-Charge PBGen. Christopher N. Abrahano sa lahat ng yunit ng pulisya sa Metro Manila na tuklasin ang mga bagong paraan ng pagtatago ng ilegal na droga at pigilan ang mga sindikato na samantalahin ang dagsa ng mga padala ngayong kapaskuhan.

Kasunod ito ng pagkaaresto sa isang 18-anyos na suspek sa Makati City at nadiskubre ang mga ilegal na droga na nakatago sa isang paper bag na may nakasulat na “Happy Birthday,” upang magmukhang isang regalo sa kaarawan.

Inatasan din ni PBGen. Abrahano ang mga yunit ng intelligence, mga operatiba at mga hepe ng himpilan ng pulisya na paigtingin ang pagsubaybay sa mga hinihinalang network ng pamamahagi ng droga at iangkop ang kanilang mga operasyon sa nagbabagong pamamaraan ng mga ito.

Sinabihan din nito ang kanyang mga tauhan na maging mapagmatyag sa posibleng pagsasamantala sa pagdami ng mga parcel, regalo, online purchase, at delivery ngayong kapaskuhan. Kabilang dito ang posibleng paggamit ng mga kahon ng regalo, lalagyan ng pagkain, pampasaherong sasakyan, courier, at mga transaksiyong online sa pamamahagi ng ilegal na droga.

Binigyang-diin ng heneral na kailangang kumilos ang pulisya batay sa impormasyong dumaan sa beripikasyon, makipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensiya at service provider kung kinakailangan, at tiyaking naaayon sa batas ang lahat ng inspeksiyon at pagpapatupad ng mga operasyon.

“Drug syndicates may change their methods, but we will not allow them to stay ahead of law enforcement. I am directing all our units to identify these evolving tactics, strengthen intelligence operations, and pursue those responsible for bringing illegal drugs into our communities. No disguise or delivery scheme will deter us from enforcing the law,” ani PBGen. Abrahano.

Sa nakalipas na mga linggo, nagsagawa ang mga yunit ng NCRPO ng 216 na operasyon laban sa ilegal na droga sa buong Metro Manila. Nagresulta ito sa pagkakaaresto sa 270 hinihinalang sangkot sa ilegal na droga at pagkakasamsam ng mga ilegal na droga na nagkakahalaga ng ₱7,834,443.

Kabilang pa sa utos ni PBGen. Abrahano sa limang police district sa Metro Manila ay ang pagpapatuloy at pagpapalakas ng mga operasyong ito, paiigtingin ang pagbabahagi ng impormasyon, at tiyaking agad na iniimbestigahan ang mga bagong pamamaraan ng pamamahagi ng ilegal na droga.

“Our responsibility is to stay vigilant, adapt to changing threats, and protect our communities from the harm caused by illegal drugs. We will sustain our operations and pursue those who seek to profit from this illegal trade, especially during a season when families deserve to feel safe,” pahayag ng opisyal. (Bhelle Gamboa)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *