Halos 1,000 residente na naapektuhan ng nagdaang bagyo sa Nueva Vizcaya tumanggap ng tulong mula kay Senator Bong Go
Nakatanggap ng tulong mula sa tanggapan ni Senator Christopher “Bong” Go ang halos 1,000 residente sa Nueva Vizcaya na naapektuhan ng nagdaang bagyong Ulysses.
Isinagawa ang relief activities sa Nueva Vizcaya Provincial Capitol Compound sa Bayombong kung saan tiniyak ang pagsunod sa health and safety protocols.
Naghatid ng makakain, food packs, vitamins, face masks, at face shields sa 961 beneficiaries mula sa mga bayan ng Ambaguio, Aritao, Bambang, Bayombong, Diadi, Dupax del Norte, Dupax del Sur, Kasibu, Quezon, Solano, at Villaverde.
Sa video call, sinabi ni Go na patuloy ang pag-iikot ng kanilang team para balikan ang mga nasalanta ng bagyo na hindi pa nakatatanggap ng tulong.
“Patuloy kaming umiikot upang balikan ang mga hindi pa nakakatanggap ng tulong. Kailangan nating magtulungan sa panahon ngayon upang malampasan natin itong pandemya at mga iba pang krisis na ating hinaharap,” ayon sa senador.
May mga benepsyaryo din na tumanggap ng bagong sapatos, at ang iba ay nabigyan ng bisikleta na magagamit nila sa pagbiyahe papasok sa trabaho.
Mayroon ding nabigyan ng tablet na maaring magamit ng mga estudyante sa blended learning.
“Mga kabataan, kayo ang kinabukasan ng bayan kaya mag-aral kayo nang mabuti. Tandaan niyo, edukasyon ang puhunan natin sa mundong ito. Ito rin ay konsuwelo sa inyong mga magulang na nagpapakamatay sa trabaho para mapa-aral kayo,” paalala ni Go.
Kasabay nito, ipinaalala ni Go sa mga residente lalo na sa mga nangangailangan ng atensyong medikal na maari silang humingi ng tulong sa kaniyang tanggapan.
Pwede ring lumapit sa bagong bukas na Malasakit Center sa Bayombong kung saan makakakuha sila ng medical assistance.
Dinaluhan ni Go ang virtual launch ng ika-99 na Malasakit Center na nasa Region II Trauma and Medical Center sa Bayombong.
ito ang ikaapat na Malasakit Center sa Cagayan Valley at una sa lalawigan ng Nueva Vizcaya.
Nauna nang nakapagbukas ng Malasakit Center sa Cagayan Valley Medical Center sa Tuguegarao City, Gov. Faustino N. Dy, Sr. Memorial Hospital sa Ilagan City, at Southern Isabela Medical Center sa Santiago City.
Sa isinagawang aktibidad, may mga kinatawan din ng DSWD na namahagi ng family kits at financial assistance sa mga biktima ng kalamidad.
Habang ang mga kinatawan mula sa Department of Trade and Industry at National Housing Authority ay nagsagawa ng assessment sa mga apektadong pamilya para sila ay mapagkalooban ng livelihood at housing assistance.
“Maraming salamat mga taga-Nueva Vizcaya. Mahal namin kayo. Konting tiis lang po at malalampasan din natin ito. Kung may maitutulong pa kami ni Pangulong Duterte ay magsabi lang kayo sa aking opisina. Patuloy kaming magseserbisyo sa inyo. Pupuntahan namin kayo saang sulok man kayo ng Pilipinas upang makapag-iwan man lang ng ngiti sa oras ng inyong pagdadalamhati,” ayon pa kay Go. (D. Cargullo)