Fact-finding team ng DSWD, ipapadala sa Pasig City para imbestigahan ang paggamit sa isang “mentally-challenged person” sa pulitika

Magpapadala ng fact-finding team si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian upang tignan ang posibleng paglabag kaugnay sa umano’y paggamit ng isang mentally-challenged female person na kumuha ng video laban sa local candidate na si incumbent Pasig City Mayor Vico Sotto.
Sakaling mapatunayang totoo ang nilalaman ng video, magsasampa ng kaso ang DSWD laban sa mga nasa likod nito.
Ipinaliwanag ng DSWD chief na ang paggamit sa isang taong may kapansanan o persons with disabilities para sa pampulitikang intensyon ay maituturing na paglabag sa Republic Act No. 7610 o ang “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.”
Ang nasabing insidente ay maituturing aniyang exploitation at abuse sa panig ng sangkot na PWD.
Paalala ni Gatchalian ang mga mahihirap, marginalized, at vulnerable sector ay hindi dapat ginagamit sa political gains.
Ang R.A. 7610 ay isang komprehensibong hakbang upang mabigyan ng proteksyon ang mga kabataan laban sa lahat ng anyo ng panga-abuso, kapabayaan, pananakit, exploitation, at diskriminasyon.
Sa ilalim ng R.A. 7610, ang term na “children” ay kinabibilangan ng mga menor de edad at mga nakatatanda na walang kakayanan na protektahan ang kanilang mga sarili laban sa panga-abuso, neglect, cruelty, exploitation o discrimination dahil sa kanilang physical o mental disability.
Kabilang din sa mandato ng R.A. 7610 ang lahat ng national government agencies na magbigay ng proteksyon sa mga menor de edad na may special needs laban sa panga-abuso.
Sa isang viral video na naka-upload sa Journal Pasig Facebook page, isang 57-anyos na babae na nasuring may psychological disability ang umano’y nagsabing hindi na iboboto si Sotto dahilan sa umano ay wala itong natatanggap na anumang tulong mula sa incumbent mayor.
Nang tanungin kung muli pa ba nitong iboboto si Sotto sa darating na halalan, sinabi umano ng mentally-challenged woman na hindi na nito iboboto si Sotto at sa halip ay ang kalaban na lamang nito ang kanyang susuportahan.
Agad namang nagreklamo ang pamangkin ng nasabing babae kung saan sinabi nitong nagpunta lamang ang kanyang tiyahin sa isang kandidato na nasa kalapit na barangay upang humingi ng pagkain subalit sinabihan umano ang matanda na kailangan nitong mag-record ng video bago umuwi. (DDC)