Team ng MMDA nakaalis na patungong Myanmar para magbigay ng humanitarian assistance at disaster relief

Nakaalis na patungong Myanmar ang Search Rescue and Retrieval Team ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ito ay binubuo ng 10-man contingent na magbibigaiy ng humanitarian assistance and disaster relief matapos tumama ang magnitude 7.7 na lindol sa nasabing bansa.
Katuwang ng MMDA contingent ang iba pang grupo mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection (BFP), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at Department of Health (DOH).
Bitbit ng MMDA team ang mga life locators, extrication equipment, at water purifiers.
Inaaasahang magtatagal ang grupo ng halos dalawang linggo sa Mandalay, Myanmar para sa humanitarian mission.
Inorganisa ng Office of Civil Defense ang deployment alinsunod sa direktiba nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at National Defense Secretary Gilbert Teodoro.
Ang pagpapadala ng PH contingent ay sumisimbolo sa pakikipagtulungan ng Pilipinas sa Myanmar at pagtalima sa “One ASEAN, One Response” commitment.
Pagtalima rin ito ng Pilipinas sa international relief effort kasama ang United Nations, European Union, Singapore, at China.
Nauna nang nakarating sa Myanmar ang Philippine Emergency Medical Assistance Team (PEMAT) na binubuo ng mga kinatawan mula sa DOH.
Kinabibilangan sila ng mga doktor, nurse, medical technologist, pharmacist, midwife, nursing attendant, administrative, logistics, at technical staff. (DDC)