Catapang ipinagmalaki ang repormasyon ng Iwahig Prison and Penal Farm sa Palawan

Ipinagmamalaki ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio Catapang Jr. ang tuluy-tuloy na repormasyon sa Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF) sa Palawan noong Sabado, Pebrero 15.
Inihayag ni DG Catapang na maayos na natutugunan ang rehabilitasyon at reintegrasyon ng mga persons deprived of liberty (PDLs) sa pamamagitan ng mga pasilidad sa loob ng IPPF.
Nabigyan ng pagkakataon ang mga mamamahayag na bisitahin ang mga pasilidad sa loob ng kulungan na patunay ng magagandang pagbabago o repormang ipinapatupad sa naturang correction facilities upang tiyakin ang kapakanan ng PDLs habang inihahanda sila sa kanilang panunumbalik sa kanilang pamilya at sa komunidad.
Ang pagbisita ng media sa IPPF ay pinangasiwaan nina Chief Superintendent Gary Garcia at IPPF Deputy Superintendent for Reformation CT/Insp. Teddy Martin, na konektado naman sa ginaganap na 2nd ASEAN Regional Correctional Conference 2025 na nakasentro sa pagpapaganda ng correctional system sa bansa na binigyang-diin ni British Embassy Deputy Head of Mission Mr. David Thomas.
Ipinakita ni Supt. Garcia ang itinayong Bario Libertad ng BuCor sa loob ng IPPF para sa pagbibigay ng libreng tahanan sa mga kuwalipikadong PDLs at kanilang pamilya.
Ang mga PDLs ay katuwang ng ahensiya sa pagsasaka, pag-aalaga ng hayop, at paggawa ng handicrafts na kasama sa kanilang rehabilitasyon at repormasyon.
Nagsisilbing plataporma ang katatapos na kumperensiy na tumatalakay sa pagpapalakas ng rehiyonal na kooperasyon sa corrections at rehabilitasyon; pagbabago sa pamamahala sa prison at jail upang tugunan ang pandaigdigang hamon;pagpapaganda sa rehabilitasyon, reintegration, at security measures o mga hakbang pangseguridad; pag-aaralan ang digital innovations para sa mas maayos na PDL management at profiling; at pagposisyon sa ASEAN bilang isang modelo ng progresibong correctional practices.
Magkatuwang ang BuCor at Bureau of Jail Management and Penology ( BJMP) na tiyakin ang kaligtasan, seguridad at makataong kustodiya ng PDLs na naaayon sa adhikain ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa “Bagong Pilipinas”. (Bhelle Gamboa)