Real-life Santa Claus ng Infanta, nagpasaya ng mahigit 1,000 mga bata
Para kay Lord Arnel (L.A.) Ruanto, si Santa Claus ay hindi isang kathang-isip na karakter lamang—siya ay buhay na buhay.
Ayon kay Ruanto, si Santa ay isang simbolo ng pagbibigay, pagmamahal, at kagalakan, na ang bawat isa sa atin ay may kakayahang maging “Santa Claus” sa pamamagitan ng pagtulong at pagpapalaganap ng biyaya sa kapwa.
Tuwing Pasko, binibigyan ni Ruanto ng kasiyahan ang mga batang Infantahin sa pamamagitan ng pamimigay ng mga regalong pamasko, at muli itong nangyari noong Disyembre 25, 2024, sa mismong Araw ng Pasko.
Kahit na malakas ang ulan, hindi napigil ang mahigit isang libong (1,000) bata na magtungo sa kanyang tahanan upang matanggap ang simpleng handog na regalo mula sa bise alkalde—na bihis na bihis pa bilang si Santa Claus.
“𝗦𝗮𝗻𝘁𝗮 𝗣𝗮𝗻𝗮𝘁𝗮 𝘀𝗮 𝗞𝗮𝗯𝗮𝘁𝗮𝗮𝗻”
Ang taunang programang ito ni Ruanto, na tinatawag niyang “Santa Panata sa Kabataan”, ay nagsimula bago pa man siya maging konsehal noong 2009.
Sa edad na 21, nagtakda siya ng isang personal na tradisyon ng pamimigay ng mga regalong pamasko sa mga bata. Mula noon, hindi na ito natigil—anuman ang mga pagsubok o kalamidad—tuluy-tuloy ang kanyang panata upang magbigay tuwa sa mga kabataan tuwing Pasko.
Ayon kay Ruanto, umabot na sa 15 taon ang kanyang Santa Panata at hindi ito matatapos hangga’t may pagkakataon siya upang magbigay tuwa sa mga bata.
“Naranasan ko ang maging kapos noong bata pa ako, kaya’t nais ko ring ipadama sa mga kabataan ngayon ang kaligayahan ng Pasko,” wika ni Ruanto.
Kaya naman, sa mismong araw ng Pasko, kanyang pinili na ilaan ang kanyang Christmas Bonus upang bumili ng mga regalo at personal na ipamahagi ito habang suot ang Santa Claus costume.
𝗔𝗻𝗴 𝗣𝗮𝗴𝘁𝘂𝗹𝗼𝗻𝗴 𝘀𝗮 𝗞𝗮𝗯𝗶𝗹𝗮 𝗻𝗴 𝗺𝗴𝗮 𝗛𝗮𝗺𝗼𝗻
Hindi rin naging hadlang ang pandemya sa pagsasakatuparan ng kanyang misyon. Noong mga taon ng COVID-19, ipinagpatuloy ni Ruanto ang kanyang tradisyon, at binigyan pa niya ng mga regalo ang mga kabataang nagsimba sa misa ng Salubong sa Pasko.
Sa mga pagkakataong iyon, ipinakita ni Ruanto na ang tunay na diwa ng Pasko ay hindi lamang sa pagpapalitan ng mga materyal na bagay kundi sa pagbibigay ng pag-asa at pagmamahal sa isa’t isa, lalo na sa mga oras ng pagsubok.
𝗟𝗶𝗻𝗴𝗮𝗽 𝗔𝗴𝗮𝗱 𝗣𝗮𝗿𝗮 𝘀𝗮 𝗠𝗮𝘀 𝗠𝗮𝗹𝗮𝘀𝗮𝗸𝗶𝘁 𝗻𝗮 𝗦𝗲𝗿𝗯𝗶𝘀𝘆𝗼 𝘀𝗮 𝗜𝗻𝗳𝗮𝗻𝘁𝗮
Ang Lingap Agad Program ni Ruanto, katuwang ang Serbisyong Tunay at Natural ay patuloy na nagbibigay ng serbisyong makikinabang ang bawat sektor sa bayan ng Infanta—mula sa mga proyektong pangkalusugan, imprastruktura, at iba pang mga programa at proyekto para sa kapakinabangan ng mga mamamayan.
Sa mga proyekto at inisyatiba nito, patuloy niyang ipinapakita ang kanyang malasakit at taos-pusong pagtulong sa kanyang mga kababayan.
Kilalang galante at mapagbigay si Ruanto hindi lamang sa bayan ng Infanta kundi pati na rin sa mga karatig-bayan.
Sa bawat hakbang ng kanyang programa, nararamdaman ng kanyang mga kababayan ang taos-pusong serbisyo at pagmamahal, na katulad ng isang “Santa Claus” na hindi tumitigil sa pagbibigay ng kasiyahan at biyaya.
𝗣𝗼𝘀𝗶𝘁𝗶𝗯𝗼𝗻𝗴 𝗥𝗲𝗮𝗸𝘀𝘆𝗼𝗻 𝗮𝘁 𝗣𝗮𝗴𝗽𝗮𝗽𝗮𝘀𝗮𝗹𝗮𝗺𝗮𝘁
Maraming positibong reaksyon at papuri ang natanggap ni Ruanto mula sa mga residente ng Infanta, pati na rin mula sa mga netizen.
Ang simpleng pamimigay ng mga regalo ay hindi lamang nagbigay kasiyahan sa mga bata, kundi nag-iwan ng mga alaalang magtatagal hanggang sa kanilang pagtanda.
“Masaya akong ang simpleng handog kong ito ay tumatak sa kanilang mga alaala at nagdudulot ng kaligayahan sa kanilang paglaki,” ani Ruanto.
Para sa kanya, ang tunay na diwa ng Pasko ay hindi sa mga materyal na bagay kundi sa pagmamahal at pagbibigayan sa bawat isa.
𝗣𝗮𝗻𝗮𝗹𝗮𝗻𝗴𝗶𝗻 𝗻𝗶 𝗥𝘂𝗮𝗻𝘁𝗼
Panalangin ni Ruanto sa kanyang mga kababayan at sa buong Pilipinas ay na sana maghari ang kapayapaan at pagmamahalan sa bawat puso, lalo na ngayong holiday season.
Sa pamamagitan ng mga hakbang ng kanyang Lingap Agad Program, patuloy niyang ipinapakita na ang diwa ng Pasko ay hindi nagtatapos sa isang araw lamang, kundi dapat na magpatuloy sa buong taon—sa bawat kilos ng pag-aalaga at pagmamahal sa kapwa.
Si Lord Arnel (L.A.) Ruanto ay isang halimbawa ng isang lingkod-bayan na patuloy na nag-aalay ng pagmamahal at serbisyo, hindi lamang sa panahon ng Pasko, kundi sa buong taon.
Sa bayan ng Infanta, ang diwa ni Santa Claus ay buhay na buhay—sa pamamagitan ng kanyang pagtulong, pagbibigay, at walang sawang pagmamalasakit sa bawat kababayan. (JR Narit)