LTO head sa NCR pinagpapaliwanag sa kwestyunableng registration ng truck na nasangkot sa aksidente sa Parañaque City
Pinagpapaliwanag ni Land Transportation Office Chief, Asst. Sec. Vigor Mendoza ang pinuno ng LTO district sa NCR matapos matuklasan ang kwestyunableng registration ng isang truck na nasangkot sa aksidente sa Parañaque City kamakailan.
Ayon kay Mendoza, ang utos sa LTO NCR head na magpaliwanag ay bahagi ng imbestigasyon sa insidenteng nangyari sa Skyway At-Grade Southbound sa Brgy. Sun Valley noong Dec. 6 kung saan mayroong isang nasawi.
Base sa imbestigasyon, nagkaproblema ang preno ng Isuzu Wing Van na may plate no. JA06375 at nabangga nito ang iba pang mga sasakyan sa lugar.
Ayon kay Mendoza, sa pagsisiyasat ng LTO, natuklasang naiparehistro ang truck nang hindi dumadaan sa road worthiness inspection.
Binigyan lamang ng limang araw ang opisyal para magpaliwanag.
Ayon kay Mendoza, kung mabibigong magpaliwanag ay maaaring mapanagot ang LTO officer sa ilalim ng 2017 Rules on Administrative Cases in the Civil Service. (DDC)