2 babae na biktima ng illegal surrogacy trafficking naharang ng BI
Dalawang babae ang naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) na aalis dapat sa bansa at magtutungo sa Georgia para maging surrogate mothers.
Ayon sa dalawang biktima na naharang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1, ni-recruit sila sa pamamagitan ng Facebook.
Sa simula, sinabi ng dalawa na mamamasyal lamang sila sa Tbilisi, Georgia.
Pero nang sumalang sa panayam ng secondary inspectors ng BI, natuklasang peke ang kanilang mga dokumento.
Kalaunan ay inamin din ng dalawa na sila ay bibiyahe sa Georgia para maging surrogate mothers at susweldo sila ng P700,000 kada buwan.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, ang illegal surrogacy ay maituturing na trafficking activity.
Dinala sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang dalawang pasahero para sumailalim pa sa imbestigasyon. (DDC)