Dating Presidential spokesperson Harry Roque posibleng lumabas ng bansa sa ilegal na pamamaraan – BI
Posibleng nakalabas ng bansa si dating Presidential Spokesperson Harry Roque Jr. dahil sa ilegal na pamamaraan.
Ayon kay Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado, sa isinagawa nilang verification sa kabilang rekord, wala silang nakitang detalye ng paglabas ng bansa ni Roque sa pamamagitan ng formal channels.
Ang huling pagbiyahe aniya ni Roque na mayroong rekord sa BI ay nang bumalik siya sa bansa noong Hulyo galing ng Los Angeles.
Dahil dito, hinala ng BI, posibleng ilegal na lumabas ng bansa si Roque.
Kamakailan nagsumite ng counter-affidavit si Roque sa kinakaharap niyang kasong human trafficking at nakasaad na ang isinumiteng dokumento ay mula sa Abu Dhabi.
Ayon kay Viado, pinag-aaralan na ngayon ng legal team ng BI ang pagsasampa ng kaso laban kay Roque dahil sa ilegal na paglabas niya ng bansa.
May posibilidad ayon kay Viado na gumamit ng pekeng immigration clearances si Roque para makapasok sa kaniyang destination country.
Kasama sa Lookout Bulletin si Roque at dahil tanyag ito ay imposibleng hindi siya makikilala kung dumaan siya sa immigration. (DDC)