Pangulong Marcos sinabing nakababahala ang namataang attack submarine ng Russia sa West PH Sea
Aminado si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na labis na nakababahala ang namataang Russian attack submarine sa West Philippine Sea.
Sa isang ambush interview, sinabi ng pangulo na anumang tangkang panghihimasok sa Exclusive Economic Zone ng bansa ay nakababahala.
Nakita ang submarine sa katubigan ng WPS sa kanluran ng Occidental Mindoro na galing umanong Malaysia.
Ayon kay Philippine Navy spokesperson for WPS Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, tinukoy ang submarine na mula sa Russian Navy na Ufa.
Sinabi rin ng Philippine Navy na nagpadala sila ng aircraft at iba pang asset upang subaybayan ang kilos ng nasabing submarine ng Russia.
Dagdag nito, hindi lumubog ang Ufa habang dahan-dahang umuusad pa-hilaga palabas ng teritoryo ng Pilipinas.
Bigo magbigay ng dahilan ang Philippine Navy kung bakit nasa teritoryo sa katubigan ang Russian vessel. (CY)