Las Piñas LGU nagsagawa ng social pension cash pay-out para sa indigent seniors
Nagsagawa ang Pamahalaang Lungsod ng Las Piñas sa pamamagitan ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO), ng maayos at organisadong social pension pay-out para sa mga indigent senior citizens na ginanap sa Manuyo Uno Covered Court.
Nasa kabuuang 1,051 indigent senior citizens ang nabenepisyuhan, 735 rito ang residente mula sa Barangay Manuyo Uno at 316 na iba buhat sa Brgy. Daniel Fajardo ang pawang nakatanggap ng tulong pinansiyal.
Ang bawat benepisyaryo ay tumanggap ng tig-₱6,000 bilang kanilang social pension para sa July hanggang December.
Ang pondo para sa financial assistance ay mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng programa ng gobyerno upang suportahan ang kapakanan ng mga nangangailangang senior citizens.
Layunin ng inisyatibang ito na alalayan ang mga nakatatanda sa kanilang mga karaniwang gastusin at maibsan ang kanilang kinakaharap na suliraning pinansiyal.
Personal namang tinutukan ng mga opisyales ng lokal na pamahalaan ang distribusyon ng financial assistance para siguruhing maayos ito at inalalayan din ang mga senior citizens sa proseso ng pay-out.
Naninindigan ang Las Pinas LGU sa pagpapanatili ng mga programang magbibigay-benepisyo sa mga senior citizens at patuloy ang koordinasyon nito sa DSWD upang mabigyan ng mahahalagang serbisyo na magpapabuti sa kalidad ng pamumuhay ng mga nakatatanda at iba pang vulnerable sectors sa komunidad. (Bhelle Gamboa)